Nanawagan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na amyendahan ang charter ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA).
Nais ni Laurel na mapalawak ang tungkulin nito na isama ang pagbuo at pamamahala ng marine at agro-industrial estates sa buong bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain.
Bago naging DA Secretary si Laurel ay binuo niya ang isa sa pinakamalaking fishing companies sa Southeast Asia.
Sinabi pa nito na ang pagsasaayos sa function ng PFDA ay kaugnay ng Philippine Rural Development Program at layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno ang agriculture sector na bahagi ng mga pangunahing istratehiya ng Bagong Pilipinas ng administrasyon.
Inilarawan ng kalihim ang kanyang pananaw para sa marine at agro-industrial estates bilang one-stop shop.
Binubuo ito ng mga daungan, cold-storage facility, silo, at warehouses na makapag-imbak ng farm at marine products.
Nakikipagpulong na ang DA Chief sa mga mambabatas nitong mga nakaraang araw upang humingi ng mga posibleng adjustments sa 2024 budget. | ulat ni Rey Ferrer