Ipinagdiwang sa bayan ng Pikit probinsiya ng Cotabato ang Mindanao Week of Peace ngayong araw na dinaluhan ng mga representante mula sa lokal na pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pamamagitan ni Gov. Emmylou Mendoza at mula sa sektor ng simbahan, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at mga stakeholders.
Sa mensahe ni Gov. Mendoza, binigyang diin nito ang kahalagahan ng maayos na pakikipag-ugnayan sa kapwa sa pagkamit ng kaunlaran kung saan pinagsisikapan ng pamahalaan na mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad kabilang na rito ang programang EO 70 o whole-of-the-nation approach na ipinapatupad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naglalayong wakasan ang insurhensya sa bansa.
Dagdag pa nito na ang kapayapaan at seguridad ay obligasyon ng lahat—sundalo, pulis, sibilyan, opisyal ng pamahalaan, at simbahan ay may mahalagang papel sa pagkamit ng inaasam na kapayapaan at katiwasayan.
Nagpasalamat naman si Pikit Municipal Mayor Sumulong Sultan sa suporta ng simbahan at pamahalaang panlalawigan sa inisyatibong pangkapayapaan ng pamahalaang lokal na ipinagdiriwang ng buong Mindanao tuwing huling linggo ng Nobyembre. | ulat ni Macel Dasalla | RP1 Davao