Selebrasyon ng Bonifacio Day sa Caloocan, pinangunahan ni Exec. Sec. Bersamin

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinangunahan ngayong umaga ni Executive Secretary Lucas Bersamin, Caloocan Mayor Along Malapitan, at NHCP Chairperson Emmanuel Franco Cala ang komemorasyon ng ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Gat Andres Bonifacio.

Nagsimula ng alas-7:55 ng umaga ang programa kung saan tampok ang
wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Gat Andres Bonifacio na sinundan ng gun salute.

Ibinahagi naman ni ES Bersamin ang mensahe ng Pangulo kung saan hinikayat nito ang lahat ng mga Pilipino na ilaan ang araw na ito para parangalan si Bonifacio at ang kanyang kontribusyon sa pagtataguyod ng pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.

Hinimok din ng Pangulo ang bawat isa na tularan ang kabayanihan at pagmamahal sa bayan ni Bonifacio at ipakita ito sa pang-araw-araw na gawain kahit ngayong modernong panahon.

Ganito rin ang mensahe ni Caloocan City Mayor Along Malapitan na hinimok ang publiko na pagsikapang gampanan ang katungkulan at pananagutan sa komunidad at kapwa, at magmalasakit para sa bansa gaya ni Bonifacio.

Nagtapos ang programa sa sabayang pagwagayway ng maliliit na watawat ng Pilipinas.

Si Gat Andres Bonifacio ay isa sa kinikilalang pinakamagigiting na bayani ng bansa na naging Ama ng Katipunan at ng Rebolusyong Pilipino na nagbigay-daan sa pagkamit ng kalayaang tinatamasa ngayon.

Samantala, nananatiling mahigpit ang seguridad sa paligid ng Monumento at sarado pa rin ito sa trapiko hanggang mamayang alas-11 ng umaga. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us