Tiniyak ng Philippine National Railways (PNR) na puspusan ang kanilang paghahanda para sa Semana Santa.
Ayon sa inilabas na pahayag ng PNR, may ipakakalat silang dagdag na mga tauhan at mga pasilidad para masiguro ang ligtas at maayos na daloy ng operasyon nito.
Maglalagay din ng mga “Help Desk” sa bawat istasyon; at PNR “Quick response teams” sa Manila, Laguna, Lucena, at Naga na handang sumaklolo, kung sakaling kakailanganin.
Maliban sa nabanggit, magtatalaga rin ng isang “Nurse-on-Duty” sa PNR Tutuban Clinic na mag-aalok ng libreng konsulta, pagkuha ng blood-pressure at pagbibigay ng first-aid.
Mayroon ding “track walkers” ang PNR na babagtas sa train tracks upang masiguro na ligtas itong madaraanan ng mga tren.
una nang inanunsyo ng PNR na pansamantalang ititigil ang biyahe ng kanilang mga tren sa April 6 hanggang April 9, o Huwebes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.
Sa abiso ng PNR, ang desisyon ay bilang pangingilin sa Mahal na Araw at para sa taunang pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga tren at ng tracks o riles. | ulat ni Lorenz Tanjoco