Desisyon ni Pangulong Marcos Jr. na ipagpaliban ang biyahe sa Dubai para pagtuunan ang ligtas na pagpapalaya ng 17 seafarer na dinukot sa Red Sea, pinuri

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinilala ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang ipinakitang malasakit at dedikasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kapakanan ng mga OFW.

Ito ay matapos hindi na tumuloy si Pangulong Marcos sa kaniyang biyahe pa-Dubai para sana dumalo sa World Climate Action Summit o (COP28).

Ang desisyon ng Pangulo ay para mapagtuunan ang ligtas na paglaya ng 17 Pinoy seafarer na dinukot sa Red Sea.

Ani Magsino, sa panahon ng krisis ang kinakapitan ng mga Pilipino ay ang matatag na liderato ng Pangulo.

Umaasa naman ang mambabatas, na ang pulong ng Pangulo kasama ang mga opisyal ng Tehran, Iran ay magreresulta sa ligtas na pagpapalaya at pag-uwi ng mga Pilipinong Marino, lalo na aniya at ngayong Disyembre ay gugunitain ang International Migrants Day.

Malugod namang ibinalita ni Magsino na pasado na sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang substitute bill para sa House Bill 8560.

Sa ilalim nito, titiyaking hindi mapapabayaan ang mga anak ng mga OFW habang sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nakapaloob dito na ang isang solo-parent, mag-asawa, o live-in partner na parehong aalis ng bansa para magtrabaho abroad ay magbibigay ng dokumento, na nagsasaad sa kung sino ang mag-aalaga sa kanilang anak o mga anak.

Bibisitahin naman ng Department of Social Welfare and Development at opisyal ng Barangay ang naturang guardian o taga pangalaga, upang matiyak na maayos na naaalagaan ang mga bata. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us