Mariing kinondena ni Vice President Sara Duterte ang nangyaring pagpapasabog sa loob ng campus ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City kahapon ng umaga.
Kasabay nito ay nagpaabot din siya ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi gayundin sa nasa kritikal na kondisyon at nasugatan dahil sa kanilang kalunos-lunos na sinapit sa insidente
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na ang mapangahas na pag-atake habang nagmimisa sa loob ng paaralan ay pagpapatunay ng karuwagan ng mga taong nasa likod nito.
Kasunod nito, nanawagan si VP Sara sa publiko na maging mahinahon at magtiwala sa mga awtoridad hinggil sa ginagawa nilang imbestigasyon upang tuluyang mapanagot ang mga nasa likod nito.
Umapila rin ang Pangalawang Pangulo sa mga Pilipino na maging maingat at mapagmatyag upang hindi na maulit pa ang ganitong pag-atake sa mga sibilyan.
Dapat aniyang magpakatatag ang lahat sa mga panahong ito at huwag magpadaig sa takot na dulot ng terrorismo. | ulat ni Jaymark Dagala