Nagpasalamat si Senador Robin Padilla sa mga kasamahan niya sa Senado sa paglilinaw na walang kinalaman sa relihiyon, lalo ang Islam, sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University (MSU) habang nagsasagawa ng misa kahapon.
Sa pahayag sa plenaryo ng Senado ngayong araw, iginiit ni Padilla na ang mga nasa likod ng pangyayaring ito ay mag terorista at hindi sila representasyon ng mga Muslim.
Binigyang diin ng Muslim senator na malinaw sa Koran na sinasabing ang pumatay ng taong walang kasalanan ay parang pagpatay na rin sa buong daigdig.
Nakasaad rin aniya sa Koran na walang pilitan sa relihiyon kaya may kalayaan ang bawat isa kung ano ang pinipili nilang relihiyon.
Kasabay nito ay muling nagpasalamat si Padilla sa mga kasamahan niya sa mataas na kapulungan dahil napaglaanan ng budget ang Marawi Compensation Board dahil mahalaga ito para sa mga naging bikitima ng Marawi seige at ang hiniling na budget ng OPAPRU para sa combatants ng MILF.
Nanawagan rin ang senador ng suporta para sa intelligence efforts laban sa mga dayuhang terorista dito sa ating bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion