Pinakawalan ang mahigit animnapung bagong pisang Olive ridley sea turtle o pawikan sa baybayin ng Brgy. Kanlurang Calutan, Agdangan, Quezon kamakailan.
Ayon sa pabatid ng DENR Calabarzon, pinakawalan ang mga hatchling kasabay ng pagsisimula ng nesting season, na anila’y paalala sa responsibilidad ng bawat isa na protektahan ang kalikasan.
Ang olive ridley sea turtle ay natukoy na “vulnerable” ng International Union for Conservation of Nature, at “endangered” naman sa DENR Administrative Order 2019 dash 09, kung kaya’t mahalaga ang pagpapakawala ng mga ito sa karagatan upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang lahi.
Nanguna sa aktibidad ang DENR-Community Environment and Natural Resources Office Tayabas City, Samahan ng mga Mangingisda ng Kanlurang Calutan, barangay officials, at mga residente. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena
Photos: DENR IV-A