Patuloy ang pagbagal ng inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Nobyembre sa 4.1%, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, mas mababa ito sa 4.9% inflation noong Oktubre at 8% inflation sa kaparehong buwan ng 2022.
Pasok rin ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 4% hanggang 4.8%.
Paliwanag ng PSA, bunsod ito ng pagbagal sa inflation sa food and non-alcoholic beverages na nasa 5.7% ang inflation nitong Nobyembre.
Kasama sa nakaambag rito ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng gulay gaya ng kalabasa, isda partikular ang dilis at asukal na pula.
Nakaambag rin ang transport inflation dahil sa pagbagsak ng presyo ng gasolina at diesel.
Sa National Capital Region (NCR) naman, bumagal rin sa 4.2% ang inflation mula sa 4.9% noong Oktubre habang nasa 4.1% naman ang inflation sa labas ng Metro Manila.
Ayon sa PSA, ang average inflation mula Enero hanggang Nobyembre 2023 ay nasa antas na 6.2%. | ulat ni Merry Ann Bastasa