Nanawagan si Deputy Minority leader at ACT Teacher party-list France Castro sa kongreso na imbestigahan at panagutin ang mga salarin sA pagpapasabog sa Mindanao State University.
Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo, mariing kinondena nito ang pag-atake sa mga sibilyan kabilang ang mga estudyante, guro, at kawani ng MSU.
Ayon kay Castro, importante na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng malagim na pagsabog.
Aniya, dapat may mahigpit na seguridad at kaligtasan ang kabataan sa kanilang paaralan bilang ito ay ‘zone of peace’.
Nanawagan din ang teacher solon sa awtoridad, sa mga ahensya ng gobyerno, at local government na tiyakin ang proteksyon ang mga estudyante, guro, at kawani upang maiwasan na ang ganitong malagim na insidente ng karahasan.
Binanggit din ng mambabatas ang kakulangan ng pondo kaya walang security guards sa mga eskwelahan. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes