Aabot sa 1,900 na sako ng hinihinalang smuggled rice ang nadiskubre ng Department of Agriculture (DA) sa isang warehouse sa Zorra St., Barangay Paltok Quezon City.
Sa isinagawang joint anti-smuggling operation sa warehouse na pag aari ng Edward and Edit Merchandising, nakita ang imported rice na nagmula sa Thailand at Myanmar na nagkakahalaga ng P5 million.
Katuwang ng DA sa operasyon ang mga tauhan ng Bureau of Plant Industry; Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Quezon City Business Permits and Licensing Department.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bukod sa bigas nasamsam din ang aabot sa 10,700 kilograms ng imported sugar; 840 kilograms ng frozen Pangasius Fillet; at 572 kilograms ng frozen meat.
Binigyang diin ng kalihim, na ang mga nasabat na kontrabando ay walang kaukulang permit kung saan inisyuhan na ng notice of violation for operating an unregistered line of business.
Sa ngayon, inihahanda na ng DA ang kasong isasampa sa may ari ng warehouse kabilang na dito ang paglabag sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agriculture Smuggling Act of 2016, at ang Republic Act 10611 o ang food Safety Act of 2013. | ulat ni Rey Ferrer