Nilinaw ni Health Secretary Teodoro Herbosa na walang outbreak ng walking pneumonia sa Pilipinas.
Sa muling pagsalang ni Herbosa sa Commission on Appointments (CA), sinabi ng kalihim na bagama’t maraming kaso ng respiratory illness sa bansa ngayon, ito ay dahil lang aniya sa panahon.
Ipinaliwanag rin ni Herbosa na totoo mang tumataas ang kaso ng respiratory illnesses sa mga bata sa China at sa ibang mga bansa sa Europa, hindi naman ito dahil sa bagong virus na nagdudulot ng walking pneumonia.
Maituturo aniya ito sa mga dati nang microbes, microplasma pneumoniae, respiratory syncytial virus at influenza.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang DOH secretary na ipagpatuloy ang health protocol na natutunan natin mula sa COVID-19, kabilang ang social distancing, cough etiquette at pagsusuot ng face mask.
Kung may sakit rin aniya ang mga bata ay huwag na silang papasukin para hindi na makahawa ng ibang bata sa eskwelahan.
Samantala, ibinahagi naman ni Senadora Cynthia Villar na nagpositibo siya sa COVID-19 noong Huwebes at kasalukuyang nag-iisolate.
Pero sinabi ni Villar na base sa antigen test niya ngayong araw ay negatibo na siya at hinihintay na lang niya ang resulta ng RT-PCR test. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion