Magtutulungan ang Presidential Communications Office (PCO) at Department of Energy (DOE) para paigtingin pa ang kampanya kaugnay sa energy efficiency sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay pinangunahan ng PCO ang “You have the Power” energy efficiency campaign.
Kabilang sa highlight ng kampanya ang pagsulong sa paggamit ng renewable energy sa bansa.
Sa ginanap na PCO CommUnity Caravan sa Lyceum of the Philippines University, sinabi ni PCO Assistant Secretary Patricia Martin, patuloy ang pagsasagawa ng ahensya ng mga social media campaign, billboards, at mall campaigns, at iba pang information dissemination campaign tungkol sa energy efficiency.
Binigyang diin din ni Martin ang kahalagahan ng paggamit ng renewable energy bilang mapagkukunan ng iba pang source ng kuryente na makatutulong sa mga Pilipino at sa kalikasan.
Sa huli, inimbitahan naman ni Martin ang mga kabataan na makiisa sa mga gaganapin pang PCO CommUnity Caravan na isasagawa naman sa mga paaralan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. | ulat ni Diane Lear