Lusot na sa Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment o ang pagkakatalaga sa pwesto ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Nitong Nobyembre, itinalaga sa pwesto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Laurel bilang kalihim ng DA.
Una nang sinabi ni Laurel na ang marching order sa kanya ni Pangulong Marcos ay ang pataasin ang produksyon ng mga lokal na produkto ng Pilipinas sa pamamagitan ng teknolohiya, modernisasyon at pagpapabuti ng logistics.
Sa naging pagdinig ng CA panel, ipinangako ni Laurel na hindi siya magbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga negosyo ng kanilang pamilya habang nakaupo siyang DA secretary.
Katunayan, binitawan na aniya ng kalihim ang kanyang mga pag-aari at posisyon sa lahat ng kanilang mga kumpanya.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kalihim na huwag kalimutan ang tapang nito lalo na sa pagharap sa mga smuggler ng mag produktong pang-agrikultura at mga hindi epektibong kawani ng DA. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion