Pormal na in-adopt ng Kamara sa Plenaryo ang House Resolution 1494 na naghahayag ng pagkondena sa patuloy na iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Hinihimok din ng resolusyon ang pamahalaan ng Pilipinas na igiit ang ating soberanya sa ating Exclusive Economic Zone at Continental Shelf salig sa UNCLOS at 2016 Arbitral Ruling.
Nakasaad sa resolusyon na sa kabila ng naipanalong Arbitral Ruling ng Pilipinas ay patuloy pa rin ang panghihimasok ng China sa ating teritoryo na umaabot pa sa pangha-harass sa ating mga sasakyang pandagat, mga Pilipinong mangingisda, hanggang sa pagtatayo ng mga istruktura at artipisyal na isla.
Inilahad din sa resolusyon ang ilan sa aggression na ginawa ng China laban sa Pilipinas gaya ng paggamit ng military grade laser sa Resupply Mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal noong February 6, 2022; pambobomba ng tubig noong August 5, 2023; pagharang sa RORE Mission na nauwi sa banggaan ng resupply boat ng Pilipinas at Chinese Coast Guard noong October 22, 2023.
Binigyang-diin sa resolusyon na dapat panindigan ng Pilipinas ang ating karapatan sa WPS at ang naipanalong kaso sa Permanent Court of Arbitration.
Dapat naman palakasin ang kapabilidad ng bansa sa pagpapatrolya sa ating Maritime Zone sa pamamagitan ng Self-Reliant Defense Posture Program at pag-upgrade sa Philippine Coast Guard.
Kailangan naman na dagdagan ang pondo para maisakatuparan ito saad sa resolusyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes