Obligado na ikuha ng travel clearance ang mga minor na 17 taong gulang pababa na bibiyahe sa ibang bansa na hindi kasama ang magulang.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Assistance Secretary Romel Lopez, ang requirement na hinihingi ay alinsunod sa guidelines na pinaiiral ng departamento.
Nilalayon nitong maiwasan ang pang-aabuso at pagsasamantala sa mga batang Pilipino na mag-aaral sa ibang bansa, ang pagdalo sa mga kompetisyon, o pagbisita sa mga kamag-anak sa ibang bansa.
Ang pag-isyu ng travel clearance para sa minors ay nakasaad sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at ang Philippine Passport Act of 1996.
Ang DSWD Travel Clearance ay isang document na iniisyu ng DSWD Field Offices o nang kanyang attached agency, na National Authority on Child Care .
Mandato ng DSWD, na magbigay ng espesyal na proteksyon sa mga bata mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso, pagsasamantala, trafficking, at/o pagbebenta o anumang gawaing makasasama sa kanilang development. | ulat ni Rey Ferrer