Tiwala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na lalo pang gaganda ang labor force ng bansa.
Ito ang reaksyon ng NEDA makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 4.2% na pagbaba ng unemployment rate nitong Oktubre mula sa 4.5% noong Setyembre at sa kaparehong buwan noong 2022.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, dahil sa pagsusumikap ng Administrasyon na humatak ng mas maraming mamumuhunan ay kumpiyansa siyang gaganda pa ang sitwasyon ng labor force.
Magtutuloy-tuloy pa aniya ito ngayong nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 11966 na kilala rin bilang Public-Private Partnership (PPP) Code.
Dahil dito, sinabi ni Balisacan na sa pamamagitan ng batas na ito ay maisasakatuparan na ang layunin ng administrasyon na dumami pa ang mga negosyo na siyang makalilikha naman ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala