Wala nang buhay nang natagpuan ng rescuers ang piloto ng bumagsak na Piper Cherokee plane sa kabundukan ng Sierra Madre, partikular sa Barangay Casala, sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Base sa update ng Incident Management Team (IMT), alas-11 kaninang umaga nang narating ng rescuers ang lokasyon ng eroplano, kung saan hindi rin nadatnan sa lugar ang nag-iisang pasahero na natukoy na isang nagngangalang Erma Escalante, 43 anyos na taga-Divilacan, Isabela.
Posible umanong buhay at nakaligtas ang pasahero mula sa pagbagsak, kung saan palatandaan dito ang isang shelter na maaaring ipinatayo nito malapit sa plane wreckage.
Bukas naman inaasahang maibababa na ang mga labi ng piloto, na dadalhin naman sa Tactical Operations Group 2 sa lungsod ng Cauayan.
Nabatid sa IMT na inaasahan na rin ang paghahanap ng K9 trackers sa nawawalang pasahero.
Disyembre 5, 2023 nang ganap nang mahanap ang eroplanong may tail number na RP-C1234 makaraang inulat na nawala noong Nobyembre 30, nang bigong makarating sa inaasahang oras sa Palanan Airport mula sa Cauayan City Airport, sa Isabela. | ulat ni April Racho-RP Tuguegarao
📸 Incident Management Team