Hinimok ni Committee on Public Accounts Chairperson Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano ang Commission on Audit at Bureau of Treasury na bumuo ng bagong joint circular para sa mas matatag at mas malinaw na alitununin ng financial management system ng bansa.
Ginawa ni Paduano ang pahayag sa ginawang joint inquiry sa umanoy “illegal expenditures” ng Provincial Government of Cagayan sa nagdaang halalan.
Sinabi ni Paduano, dapat tiyakin ng mga nabanggit na ahensya na ang mga indibidwal na itinatalaga bilang mga special disbursing officer ay kwalipikado at may kakayahang pinansiyal para sa bond.
Tinukoy din ng mambabatas na dapat klaro at kasama dito ang statement of assets, liabilities at net worth.
Ang bagong joint circular at mga rekomendasyon para amyendahan ang mga polisiya sa cash bond ay dapat maisakatuparan bago aprubahan ng Kamara ang House Bill 9548 o panukalang “Revised Government Auditing Code of the Philippines”. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes