Humigit-kumulang 10,000 katao mula sa iba’t ibang sektor at rehiyon ang makikiisa sa sabayang pagtitipon sa buong bansa para ipagdiwang ang Global Day of Action for Climate Justice ngayong araw.
Bahagi ito ng mahigit 300 aksyon sa buong mundo para humiling ng agarang climate action habang nagpupulong ang iba’t ibang bansa sa 28th Conference of Parties (COP28) to the UN Framework Convention on Climate Change sa Dubai, United Arab Emirates.
Ang mga makikiisa sa aktibidad ay mula sa grassroots movements, faith-based groups, non-government organizations, at multi-sectoral alliances.
Nilalayon nilang mag-ambag sa “chorus of global voices” upang i-pressure ang gobyerno ng mga bansa at decision makers habang pumapasok na sa crucial days ang negotiations sa COP28 sa Dubai.
Samantala, gaganapin naman sa Quezon City ang Metro Manila leg ng Global Day of Action for Climate Justice, kasabay ng iba pang aktibidad sa 53 lugar sa buong bansa.
Magkakaroon ng pagtitipon at programa sa apat (4) na ruta sa Quezon City, sa Visayas Avenue ang women’s rights groups, sa Quezon Avenue ang faith-based at human rights groups, pupwesto naman sa Kalayaan Avenue ang labor at urban poor groups at sa Commonwealth Avenue ang energy, environment at youth groups.
Bandang alas-9:00 ng umaga, magmamartsa ang lahat at magtatagpo sa Quezon City Elliptical Road, at saka magtungo sa Commonwealth kung saan gaganapin ang isang programa bandang alas-10:00 ng umaga. | ulat ni Rey Ferrer