Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Marikina at ng Maharlika Pilipinas Basketball League ang BIDA Barangay Liga sa Marikina City.
Ayon kay Marikina City Councilor Elvis Tolentino, bahagi ito ng kanilang pagsuporta at ni dating Senador Manny Pacquiao na founder at CEO ng MPBL sa Buhay Ingatan Drogay Ayawan o BIDA Program ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Kabilang sa mga lumahok sa liga ng basketball ay mga kabataan mula sa 16 barangay sa Marikina City.
Ayon kay Tolentino, layon ng programang ito na mahikayat ang mga kabataan na lumahok sa ibat ibang mga sports events upang mailayo sa paggamit ng iligal na droga.
Malaking bagay din umano ang sports sa mga kabataan lalo nat sa panahon ngayon ay babad na ang mga ito sa gadget at sa social media.
Samantala, ito rin ang itinuturing na kauna unahang BIDA Barangay Liga sa Metro Manila na target ding maisagawa sa buong bansa. | ulat ni Rey Ferrer