Pinuri ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos ang National Housing Authority (NHA) dahil sa mga programa nito na tumutulong sa mga pamilyang biktima ng kalamidad at sa iba pang aktibidad para sa mga mahihirap.
Ito ang sinabi ng unang ginang sa katatapos na Lab for All Caravan sa Palawan, kung saan kinilala niya rin ang kahalagahan ng mandato ng NHA sa buhay ng mga mahihirap.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, ang espesyal na Emergency Housing Assistance Program ng NHA ay naglalayong magbigay ng karagdagang tulong pinansyal para sa mga pamilyang apektado ng matitinding kalamidad.
Kasabay ng pamamahagi ng EHAP, ang Lab for All Caravan na programa ng unang ginang ay idinaos din sa lalawigan noong Disyembre 5, 2023.
Isa ang NHA sa mga lumahok sa caravan, kung saan isinapubliko ang mga serbisyo nito at mga programang pabahay.
Pinangunahan ni GM Tai at ng Unang Ginang ang pamamahagi ng pabahay sa 5 pamilya na lumahok sa caravan sa Palawan.
Sila ay kabilang sa mahigit isang milyong pamilyang naapektuhan ng bagyong Odette na tumama sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao noong Disyembre 2021. | ulat ni Rey Ferrer