Naispatan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang mga foreign vessel sa iba’t ibang lugar sa Kalayaan Group of Islands, matapos ang isinagawa nitong maritime patrol.
Gamit ang BRP Malapascua, namataan ng PCG ang China Coast Guard vesels, People’s Liberation Army-Navy type 056A Jiangdao II class missile corvette, at ilang mga Chinese at Vietnamese vessels.
Ayon sa PCG, namataan ang mga ito sa Sabina Shoal, Pag-asa Island, at sa Ayungin Shoal sa may Buliluyan Port malapit sa probinsya ng Palawan.
Dagdag ng PCG, nagsagawa sila ng radio challenge sa mga naturang sasakyang pandagat kung saan ang iba ay sinagot ng kanilang bersyon ng radio challenge, habang ang iba naman ay walang sagot.
Nagpakawala din anila ang tropa ng Pilipinas ng rigid hull inflatable boats para itaboy ang mga naturang barko, subalit hindi na naibahagi pa ng PCG ang resulta sa naturang hakbang.
Ayon sa PCG, ang maritime patrol ng kanilang tropa katuwang ang AFP Wescom ay patuloy na nagpapakita ng importansya para sa pagprotekta, at masiguro ang karapatan at interes ng bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Lorenz Tanjoco