Itinutulak ng Department of the Interior and Local Government ang regularisasyon ng ilang mga manggagawa sa barangay kabilang ang
health workers, miyembro ng lupon tagapamayapa, at barangay tanods.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., suportado nito ang ipinapanukalang Magna Carta for Barangay sa Kongreso na nagsusulong ng benepisyo at incentive sa mga manggagawa sa barangay.
Sa kanyang talumpati sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards, ipinunto ng kalihim na mahalagang maging regular ang mga ito para matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo sa bawat komunidad.
Sa kasalukuyang sistema kasi aniya ay maaring palitan anumang oras ang kahit sinong empleyado ng barangay kahit siya pa ang pinakamagaling.
Nauna nang kinilala ni Abalos ang mahalagang papel ng mga lupon ng barangay dahil sa pagsisikap na pagkasunduin ang mga nagkakaalitan na nagdulot ng pagkakatipid ng gobyerno ng apat na bilyong pisong gastusin para sa litigation. | ulat ni Merry Ann Bastasa