Dumagdag si Deputy Majority Leader at ACT CIS Party-list Representative Erwin Tulfo sa mga nananawagan na pabalikin na lang ng China ang kanilang ambassador dito sa sa Pilipinas.
Aniya, hindi na nito epektibong nagagampanan ang kaniyang trabaho na maging representante ng kanilang bansa para magkaroon ng maayos na ugnayan ang Pilipinas at China.
Bunsod pa rin itong insidente ng harrassment at aggression ng Chinese Coast Guard sa ginawang resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Sabi pa ni Tulfo, pauwiin na lang din ng Pilipinas ang ating embahador sa China.
Batid ng mambabatas na mayroong implikasyon ito lalo na sa usaping pang-ekonomiya at komersyo, pero aniya hindi na nadadaan sa diplomasya ang China.
Punto pa nito na hindi lang naman ang Pilipinas ang ‘masasaktan’ dahil maging ang negosyo ng China ay tatamaan din naman. | ulat ni Kathleen Jean Forbes