Nananawagan ang Social Security System sa retiree-pensioners na samantalahin ang mababang interes ng Pension Loan Program (PLP) nito.
Inilunsad ng SSS ang PLP upang tulungan ang SSS retiree-pensioners sa kanilang agarang pinansyal na pangangailangan s sa pamamagitan ng pag-aalok ng loan program na may mababang interest rate na 10% kada taon.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na ang mga qualified retiree-pensioner ay maaaring humiram ng hanggang tatlo, anim, siyam, o 12 beses ng kanilang basic monthly pension kasama ang P1,000 karagdagang benepisyo o kanilang aggregate monthly pension na may maximum loan amount na P200,000.
Bukod dito, sisiguraduhin ng SSS na ang kanilang net take-home pension ay hindi bababa sa 47.25% ng kanilang aggregate monthly pension kapag nagsimula silang magbayad ng monthly amortization para sa pension loan.
Sabi pa ng SSS Chief na mayroon ding extended repayment period ang PLP.
Ang unang buwanang amortization para sa mga pension loan ay dapat bayaran sa ikalawang buwan pagkatapos ibigay ng SSS ang loan. | ulat ni Rey Ferrer