Pasok sa 2024 National Budget ang pampondo para sa buwanang rice subsidy na ikakasa ng Marcos Jr. Administration.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ito ay recalibrated na Cash and Rice Distribution (CARD) Program upang mas maraming Pilipino ang makinabang.
Aniya, kasama sa P5.768 trillion 2024 budget ang pampondo para sa “Bagong Pilipinas CARD” para makabenepisyo ang may pitong milyong bulnerableng pamilya o katumbas ng 28 million na mga Pilipino, upang makabili sila ng 25 kilong bigas sa discounted price.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagpapatupad ng programa na isasailalim sa kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)
Inaasahan na sa pamamagitan nito ay matulungan ang mga low-income family na mabawasan ang pasanin kasabay ng pagsiguro na may access sila sa essential food source.
“This program is to show all Filipinos that Congress and the administration of President Marcos Jr. are doing everything to bring down the price of rice for a more significant number of Filipino families. Ang kapakanan ng pamilyang Pilipino ang aming nasa isipan sa proyektong ito,” dagdag ng House Speaker
Sa kaniyang pagdalo sa Economic Briefing sa Iloilo nitong Lunes, sinabi ni Romualdez na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi naibaba ang presyo ng bigas sa halagang abot-kaya ng ordinaryong mamamayan. | ulat ni Kathleen Forbes