Target ng Kamara na masimulan ang pagtalakay sa amyenda sa Saligang Batas sa susunod na taon.
Una nang sinabi ni Speaker Martin Romualdez sa ginanap na economic briefing sa Iloilo nitong Lunes na dahil tapos na halos ng Kamara ang LEDAC priority measures ay mas may oras na sila para talakayin ang charter change.
Ngayong araw, muling binigyang diin ni Romualdez na panahon nang baguhin ang Saligang Batas, partikular ang economic provisions nito, upang makasabay ito at makaresponde sa pangangailangan ng bagong panahon.
Paraan din ang charter change upang matiyak na magkakaroon ng continuity sa pamamahalaan.
Ito rin aniya ang nakikita nilang magiging legasiya ng 19th Congress.
Sa hiwalay naman na panayam kay Senior Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales, isusulong ng Mababang Kapulungan ang “Bagong Konstitusyon ng Bagong Pilipinas” sa bagong taon.
Sa bagong taon aniya o sa ikatlong regular session ay tatrabahuhin ng Kamara ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Para sa Pampanga solon, papaano magtra-trabaho sa Bagong Pilipinas kung luma naman ang Konstitusyon.
“So ito na lang ang sasabihin ko: Bagong Konstitusyon ng Bagong Pilipinas. So papaano ka magtatrabaho kung Bagong Pilipinas kung luma ‘yong ating konstitusyon. Kaya that’s our objective: our objective is Bagong Konstitusyon ng Bagong Pilipinas,” ani Gonzales.
Matatandaan na Marso ngayong taon, ay pinagtibay ng Kamara ang Resolution of Both Houses 6 at House Bill 7352 o Constitutional Convention Act para sa pagdaraos ng Constitutional Convention para amyendahan ang Saligang Batas.
Ngunit depende ani Gonzales sa magiging resulta ng pag-uusap, ay maaaring maghain na lang ng bagong resolusyon sa kung ano ang pamamaraan na gagamitin para sa charter change.| ulat ni Kathleen Jean Forbes