Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na naiparating na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Chinese President Xi Jinping ang mga concern ng ating bansa kaugnay ng sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ibinahagi ni Zubiri na naikwento sa kanya ni Pangulong Marcos na nasabi na nito kay President Xi na hindi sana nagkakaroon ng problema sa WPS kung hindi na nanghihimasok ang China.
Nagkausap aniya sina Pangulong Marcos at Xi sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong isang buwan sa San Francisco.
Dinagdag rin ng Senate leader na nang tanungin niya si Pangulong Marcos kung ano ang naging reaksyon ni President Xi sa kanyang naging pahayag, sinabi nitong tahimik lang ang lider ng China, walang reaksyon at nakatingin lang sa kanya.
Aminado si Zubiri na posibleng dismayado si Pangulong Marcos na sa kabila ng pakikipag-usap niya sa lider ng China ay patuloy pa rin ang kanilang agresibong aksyon sa WPS.| ulat ni Nimfa Asuncion