Nakatakdang umuwi na sa Pilipinas ngayong araw ang nasa 18 Pilipino na naipit sa gulo sa pagitan ng Israeli Forces at ng Lebanese Militant Group na Hezbollah.
Batay sa anunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW), sakay ang mga naturang Pilipino ng Qatar Airways flight QR932 mula sa Doha.
Inaasahang alas-4:30 mamayang hapon lalapag ang naturang eroplano sakay ang mga balik-bayang Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Doon, sasalubungin sila ng mga opisyal at kinatawan mula sa DMW, Department of Foreign Affairs (DFA) gayundin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para ibigay ang tulong ng pamahalaan.
Ito na ang ika-17 batch ng mga Pilipinong piniling magbalik-bansa dahil sa nararanasang tensyon sa Lebanon. | ulat ni Jaymark Dagala