Hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Estados Unidos at iba pang mga bansang kaalyado ng Pilipinas na sumama sa resupply mission ng ating tropa sa Ayungin Shoal sa BRP Sierra Madre.
ito ay sa gitna ng patuloy na harassment at pambu-bully ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kabilang na ang mga nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Tingin ni Zubiri, posibleng itigil ng China ang kanilang pambu-bully sa ating mga tropa kung makikita nilang may kasama tayong kaalyadong bansa, lalo na’t kasing laki ng U.S., sa mga resupply mission.
Naniniwala rin ang Senate leader na tinitimbang na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hakbang na ito.
Aminado naman ang senador na bilang chief architect ng foreign policy ng Pilipinas ay sisiguruhin pa rin ni Pangulong Marcos na hindi mauuwi sa giyera laban sa China ang anumang aktibidad ng ating bansa.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Zubiri na may pagkakataon aniya na kahit ayaw natin ng giyera ay dapat pa rin tayong maging handa sa anumang posibleng mangyari. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion