Meron na lamang tatlong linggo o hanggang December 31 para sa mga korporasyon na nais mag-avail ng amnesty program ng Securities and Exchang Commission.
Ito ang paalala ng SEC ngayong nalalapit na ang deadline sa amnesty program.
Layon ng inisyatiba na makumpleto ang reportorial requirements ng mga kumpanya at mabigyan ng pagkakataon ang mga non-compliant, suspendido at revoked corporation na makapagbayad ng binawasang penalty para sa late at non-filing ng kanilang General Information Sheet (GIS), financial statements at official contact details.
Sa ilalim ng programa, nasa fixed rate na P5,000 ang babayaran ng non-compliant corporations, habang ang suspended corporations ay kailangan lamang magbayad ng kalahati ng kanilang kabuuang multa at P3,060 petition fee.
Base sa datos ng SEC, nasa 22,403 ordinary corporations ang nanganganib na bawian ng kanilang certificates of incorporation dahil bigo silang magsumite ng kanilang GIS ng tatlong pagkakataon sa loob ng limang taon.
Panawagan ng ahensya sa mga korporasyon na samantalahin ang programa para maiwasan ang revocation o delinquency status, at ma-retain ang benepisyo bilang isang registered business sa Pilipinas. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes