Umaasa si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na tutuparin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang commitment nito na dinggin ang isyu tungkol sa aniya’y kaso ng hindi awtorisadong pag-aangkat ng asukal.
Naniniwala si Hontiveros na magiging kasing masigasig si Tolentino sa pagdinig sa isyung ito gaya ng ginawa nito sa pagdinig ng naunang sugar fiasco.
Kasabay nito ay nanawagan ang senadora sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na agad nang isumite ang mga dokumentong kailangan bilang ito na lang ang hinihintay ng blue ribbon committee.
Gayunpaman, iginiit ng mambabatas na maaari naman nang simulan ng komite ang pagdinig sa usapin at ipa-subpoena na lang ang mga dokumentong kinakailangan.
Binigyang diin ni Hontiveros na kailangang umaksyon ng mabilis, maaaring pagkatapos na pagkatapos ng Semana Santa.
Aniya, may mga krimeng nangyari at patuloy pang nangyayari na kailangang mailantad at sa pagbubunyag ng mga ito ay maaaring may mas malalaking krimen pang madiskubre gaya ng economic sabotage at plunder. | ulat ni Nimfa Asuncion