Isinusulong ni Senador Robin Padilla na bumili ang Pilipinas ng multipurpose amphibious aircraft (MPAA) para sa Philippine Navy.
Ito ayon kay Padilla ay para maiwasan nang maulit ang tensyon na dulot ngmga insidemte sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Padilla, malaki ang maitutulong ng MPAA sa mga misyon ng Navy, gaya na ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Search and Rescue (SAR) sa karagatan, at surveillance.
Makatutulong rin aniya ito sa mas mabilis na pagsasagawa ng supply mission na hindi na mangangailangan pa ng escort at hindi mabibinbin sakaling may mga humarang sa ating mga sasakyang pandagat.
Ang amphibious aircraft ay sasakyang panghimpapawid na kayang mag-take off at lumapag sa lupa at tubig.
Ipinunto ni Padilla na kadalasang inaabot ng isa’t kalahating araw ang resupply mission patungong BRP Sierra Madre, pero sa pamamagitan ng MPAA ay magagawa ito sa loob ng lima hanggang walong oras.
Dinagdag pa ng senador na dahil patuloy ang pagbabago sa lebel ng ating mga pangangailangan sa national defense dulot ng mga umuusbong na makabagong hamon sa seguridad, dapat aniyang bigyang prayoridad ang pagbili ng MPAA para sa ating Philippine Navy. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion