Naniniwala si Senadora Imee Marcos na hindi pa napapanahon ang Charter Change o ang pag-amyenda sa Saligang Batas ng bansa.
Pinunto ni Sen. Imee mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang nagsabing hindi pa tamang panahon para pag-usapan ang Cha-Cha dahil nakatutok pa ang bansa sa pagresolba ng mga problema ng bansa gaya ng pagbibigay ng hanapbuhay sa mga tao at pagtugon sa presyo ng mga bilihin.
“Talagang sinabi na ni pbbm na di napapanahon kasi dapat nakatutok tayo sa hanapbuhay ng tao at sa presyo ng bigas at bilihin. At 2 beses na binasura yan nang todo todo ng senado. Bat ba pinagpipilitan?”-Sen. Imee Marcos.
Samantala, pinunto naman ni Senate Majority leader Joel Villanueva na may dalawang katanungan na dapat sagutin bago pagdebatehan ang merito ng pagbubukas ng amyenda sa saligang batas.
Una ay kung ito ba ang tamang panahon para dito at pangalawa ay kung tama ba ang prosesong gagawin sa pag-amyenda sa konstitusyon.
“Is this the right time na mag-eeleksyon ulit? Baka muli maging biktima yung sinumang magtutulak nito na gusto lamang palawigin yung kanilang termino which is a valid point. Kailangan we have to be more circumspect of the timing, and then the process definitely. Process is very important.”-Sen. Joel Villanueva.| ulat ni Nimfa Asuncion