Wala pang natatanggap na resignation letter si Senate President Juan Miguel Zubiri ni Senador Francis Tolentino bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC).
Ito ay kasunod ng lumutang na impormasyong nagbitiw na umano si Tolentino bilang chairman ng Blue Ribbon Committee at epektibo na ito sa Enero.
Sinabi rin ni Senate Majority leader Joel Villanueva na hindi pa niya nakikita o wala pa siyang nakikitang resignation letter ni Tolentino bilang BRC chairman.
Kasalukuyang nasa ibang bansa si Tolentino at hindi pa sumasagot sa mga katanungan tungkol sa kanyang chairmanship ng BRC.
Wala ring maibigay na ibang impormasyon ang Senate Secretariat sa umano’y pagbibitiw ni Tolentino.
Paliwanag naman ni Zubiri, hindi pwedeng mag-resign si Tolentino na absent o wala ang presensya nito sa Senado.| ulat ni Nimfa Asuncion