Matapos na muling buhayin sa Kamara ang usapin ng charter change o cha-cha, binuhay na rin ito sa Senado ni Senador Robin Padilla.
Inihain ni Padilla ang Resolution of Both Houses of Congress no. 5 na nagsusulong ng pagbabago sa constitutional terms ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Paliwanag ng senador, na chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments, kailangang ibalanse ang “leadership stability” at “democratic continuity”.
Mahalaga aniya na mapalawig ang termino ng elected officials para mabigyan sila ng pagkakataon na magpatupad ng pangmatagalan at makabuluhang pagbabago sa mga tanggapan na kanilang pinamumunuan.
Sa resolusyon, pinapanukala ni Padilla ang sumusunod na pag-amyenda:
-Ang Senado ay magkakaroon ng 54 miyembro…24 na elected at large at 30 na halal ng qualified voters mula sa kada legislative region.
-Ang 24 senador na elected at large ay magkakaroon ng termino na walong taon, pero hindi pwedeng magkaroon ng higit dalawang sunod na termino; ang 30 senador na elected by region ay magkakaroon ng termino na apat na taon, pero hindi pwedeng magkaroon ng higit tatlong sunod na termino.
-Ang miyembro ng kamara ay magkakaroon ng apat na taong termino at hindi pwedeng magkaroon ng tatlong sunod na termino.
-Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa ay ihahalal bilang joint candidates at magkakaroon ng apat na taong termino. Hindi rin sila pwedeng magkaroon ng higit dalawang termino.
-Ang mga halal na lokal na opisyal maliban sa opisyal ng barangay ay magkakaroon naman ng apat na taon at hindi sila maaaring magkaroon ng higit na tatlong sunod na termino. | ulat ni Nimfa Asuncion