Naisumite na sa National Police Commission (NAPOLCOM) ng 5-man advisory group ang 90 porsyento ng Courtesy Resignation ng mga 3rd Level Officer ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na tumatayo bilang pinuno ng advisory group, matapos na i-review ng NAPOLCOM ay isusumite naman nila ito sa Pangulo para sa pinal na desisyon, kung kaninong resignation ang tatanggapin.
Tumanggi naman ang PNP chief na banggitin kung kaninong Courtesy Resignation ang kanilang inirekomenda na tanggapin at sinabing mas mabuting hintayin na lang ang desisyon ng Pangulo.
Umaasa naman si Gen. Azurin na ang rekomendasyon ng advisory group ay gagamitin ng NAPOLCOM bilang basehan sa pag-apruba o pag-hold ng promosyon ng mga matataas na opisyal ng PNP.
Kumpiyansa naman si Gen. Azurin na makukumpleto nila ang pagsusuri sa lahat ng Courtesy Resignation bago siya magretiro sa serbisyo sa April 24. | ulat ni Leo Sarne