Patuloy na inirerekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagpapanatili ng fishing ban sa mga oil spill affected areas sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sa isang pahayag, sinabi ng BFAR na bagamat kaunti na lang ang langis at grasa na nakita sa water samples mula sa mga munisipalidad ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Calapan, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, at Roxas at maging sa Caluya sa Antique ay nananatili naman ang presensya ng low-level contaminants o polycyclic aromatic hydrocarbons (PAH) sa fish samples.
Nangangahulugan itong mapanganib pa rin sa tao at iba pang living organisms ang pagkonsumo ng isda mula sa mga apektadong baybayin.
Ayon pa sa BFAR, dahil lumawak ang oil spill ay posibleng mas maraming contaminants pa ang makuha ng marine organisms.
Tiniyak naman nitong pinabibilis na ang laboratory analyses sa water at fish samples sa mga apektadong baybayin para masiguro kung kailan ligtas nang mangisda sa lugar.
Kaugnay nito, nagpapatuloy rin ang intervention ng BFAR sa mga apektadong mangingisda kabilang ang pamamahagi ng relief at livelihood assistance. | ulat ni Merry Ann Bastasa