Aabot sa 400 senior citizens na nakakulong sa Maximum at Medium Security Compound ng ilang jails sa Puerto Princesa City sa Palawan ang sumailalim sa evaluation upang matukoy ang kanilang eligibility para sa social pension.
Nagsagawa ng assessment ang Department of Social Welfare and Development Field Office-MIMAROPA, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng lungsod ng Puerto Princesa, sa mga elderly person deprived of liberty (PDL).
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na sa ilalim ng programa, ang mga senior citizen ay may karapatan na makatanggap ng P500 kada buwan o P6,000 taun-taon.
Kabilang sa mga na-evaluate ng DSWD- MIMAROPA regional office ang mga senior citizens sa Iwahig Prison at Penal Farm Central Station, Inagawan Sub Colony, Montible Colony, at Sta Lucia Colony sa Puerto Princesa City.
Paunang hakbang pa lang ito upang matukoy kung ang isang senior citizen ay kwalipikado bilang isang benepisyaryo batay sa pamantayan ng Social Pension para sa Indigent Senior Citizens Program.
Nagbigay at namahagi din ang Puerto Princesa CSWDO ng mga identification card mula sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) na magagamit ng mga senior citizen. | ulat ni Rey Ferrer