Ikinatuwa ng Departmemt of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pag-apruba ng P929-milyon revolving credit line ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, malaking tulong umano ito para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Isa umano itong pinakabagong pag-unlad para sa flagship housing program na naglalayong tugunan ang backlog ng pabahay sa bansa.
Inaprubahan ang revolving credit line para sa Social Housing Finance Corporation (SHFC), na isa ring attached agency ng DHSUD.
Matutustusan na nito ang pagtatayo ng kabuuang 2,264 na housing units sa Pampanga, Manila, Misamis Oriental at Davao City.
Samantala, sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ginawa nila ito bilang bahagi ng pangako sa pagsisikap ng Administrasyong Marcos na tugunan ang backlog ng pabahay sa ilalim ng 4PH Program.
Sa kasalukuyan, mayroong 17 proyekto ang nasa iba’t ibang yugto ng development at construction sa buong bansa sa ilalim ng flag ship “Pambansang Pabahay”. | ulat ni Rey Ferrer