Sinegundahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Lokal na Pamahalaan na magdaos na lamang ng community fireworks display sa mga komunidad.
Layon nito na maiwasan ang mga naitatalang firecraker-related injuries sa tuwing sinasalubong ng sambayanang Pilipino ang Pasko at Bagong Taon.
Una kasing hinimok ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mga LGU na magpasa ng ordinansa para sa pagsasagawa ng community fireworks display sa mga common area gaya ng mga plaza at iba pang lugar na itatalaga nito.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, sa ganitong paraan kasi ay mapapanatili ang disiplina at matitiyak din na hindi magiging marumi ang kapaligiran sa mismong araw ng Pasko at Bagong Taon.
Giit pa ni Artes, taon-taon aniya’y tone-toneladang basura ang kanilang hinahakot sa mga kalsada mula sa mga paputok na siyang nagdudulot din ng peligro sa mga naglilinis dahil sa mga hindi nagsinding paputok.
Magugunitang kahapon, inilunsad na rin ng Department of Health (DOH), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang Oplan Iwas Paputok para sa taong ito. | ulat ni Jaymark Dagala