Bukas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkaroon ng kolaborasyon sa Department of Education (DepEd) partikular sa learning programs nito na tutugon sa problema ng illiteracy sa bansa.
Inihayag ito ni DSWD Sec. Rex Gatchalian kasunod ng matagumpay na pagtatapos ng pilot implementation ng programa nitong Tara, Basa! Tutoring Program.
Ayon sa kalihim, suportado rin ni House Committee on Basic Education and Culture at Pasig Lone District Representative Roman Romulo ang plano ng ahensya na makipag-partner sa DepEd para maisulong ang literacy.
Sa ilalim ng Tara, Basa! Tutoring Program ng DSWD, umabot sa 31,234 struggling at non-reader elementary learners at karagdagan pang 31,207 magulang at guardians ang natulungan sa pamamagitan ng reading at parenting sessions.
Aabot rin sa 6,101 2nd to 4th-year college students na nagsilbing student tutor at Youth Development Workers (YDWs) ang nabigyan rin ng cash for work sa kanilang serbisyo,
“We wanted to reformulate our education assistance program pero we needed the technical expertise of DepEd kasi alam nyo naman, we are in the area of social welfare and development at kayo ang may core competency ng edukasyon. But we wanted to make sure na yung ayuda na ibinibigay natin sa mga ga-graduate sa kolehiyo, gusto natin may condition in nation-building,” Sec. Gatchalian.
Kaugnay nito, pinaplano na ng DSWD ang pagpapalawak ng tutoring program sa iba pang lalawigan sa susunod na taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD