Dumating na sa Pilipinas ang 19 na distress overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Lebanon ngayong umaga.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) ito ay ang mga OFW mula sa voluntary repatriation program ng DMW katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Lebanon.
Sinalubong ito ng mga kawani ng OWWA, DMW, DFA, Philippine Charity Sweepstakes Office, at may choir na kumakanta ng pampasko upang mas maramdaman ng ating mga kababyang uuwi ngayong kapaskuhan.
Ang mga umuwing Filipino ay tatanggap ng agarang tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang tulong pinansyal at livelihood assistance mula sa Department of Social Welfare and Development, skills training voucher mula sa Technical Education and Skills Development Authority, at psychosocial evaluation, at assessment services mula sa Department of Health at DSWD. | ulat ni AJ Ignacio