Mismong si House Speaker Martin Romualdez na ang nagsabi na walang nilulutong anumang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos matanong ang House Leader sa isang panayam kung sa pagbabalik sesyon ng Kamara sa susunod na taon ay tatrabahuhin din ang reklamong impeachment laban sa bise presidente.
Aniya, walang ganitong hakbang ang Kamara.
May ilang miyembro aniya ng Makabayan bloc na may mga binitiwang pahayag laban sa bise pero wala rin naman inihahaing reklamo.
Mas nakatuon aniya sila sa 2024 National Budget na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bukas.
Nang matanong naman kung ano ang gagawin ng Kamara sakaling may maghain nga ng impeachment complaint, sinabi ni Romualdez na dadaan ito sa proseso.
Sabi pa ni Romualdez, na nananatiling mataas ang kaniyang respeto kay Duterte bilang ikalawang Pangulo at kalihim ng Department of Education, at itinuturing pa rin niya itong kaibigan. | ulat ni Kathleen Forbes