Sinelyuhan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Diabetes Philippines, at Aztrazeneca ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sama-samang labanan ang Chronic Kidney Disease (CKD) sa bansa.
Isinagawa ang MOU signing sa isang hotel sa Mandaluyong City kung saan, katuwang ng DILG ang 12 Lokal na Pamahalaan upang ipatupad na ang ACT NOW o Addressing Complications Today through Network of Warriors for CKD Program.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., mahalaga ang papel ng mga Lokal na Pamahalaan para labanan ang Diabetes na siyang numero unong sanhi ng Chronic Kidney Disease.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, mabibigyan na ng access ang mas maraming Pilipino para sa libreng risk assessment, micral test, at UACR o Urine Albumin to Creatinine Ratio na siyang tutukoy kung gaano kalusog ang kidney ng isang tao.
Maliban dito, sinabi ni Abalos na tumanggap ang mga LGU na kabilang sa ACT NOW ng mga dialysis machines at iba pang mga kagamitan upang makatulong sa paglaban sa CKD.
Bagaman dapat itong pangunahan ng Department of Health (DOH), sinabi ni Abalos na malaki ang maitutulong sa kampaniya na ito ng mga Lokal na Pamahalaan para pakilusin ang mga Provincial, City, Municipal, hanggang Barangay Health Office upang pangalagaan ang kalusugan ng kanilang nasasakupan. | ulat ni Jaymark Dagala