Hiniling ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa National Water Resources Board (NWRB) na maiangat sa 214 meters ang water elevation sa Angat Dam sa pagtatapos ng taong 2023.
Mas mataas pa ito sa normal high water level ng dam na 212 meters.
Sa panayam sa media, sinabi ni MWSS Division Manager Engr. Patrick Dizon na nais nilang makatiyak na magkakaroon ng ‘extra buffer’ sa Angat Dam bilang paghahanda sa epekto ng El Niño na mas ramdam sa susunod na taon.
Pero, tiniyak ng MWSS na kampante itong hindi magkakakrisis sa suplay ng tubig sa susunod na taon lalo’t isang taon namang napaghandaan ang El Niño.
Aniya, sapat ang kanilang augmentation measures para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Katunayan, kahit umabot pa aniya sa 180 meters ang minimum operating level ng Angat Dam pagsapit ng Mayo o Hunyo ay hindi kukulanganin ang suplay ng tubig para sa mga konsyumer sa Metro Manila.
Maliban dito, tuloy-tuloy rin ang mga proyekto ng mga water concessionaire na inaasahang malaki ang maidadagdag para punuan ang pangangailangan sa tubig.
Kaugnay nito, patuloy rin ang panawagan ng MWSS sa publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa