Binati ni Philippine Army 3rd Infantry “Spearhead” Division Commander Major General Marion R. Sison ang mga sundalo, pulis at local government unit sa pagkakaligtas ng dalawang buntis na NPA at pagsuko ng dalawang iba pa sa Negros Oriental.
Ito’y kasunod ng matagumpay na rescue operation ng mga tropa ng 11IB kasama ang PNP sa boundary ng Barangay Napacao at Barangay Tayak sa bayan ng Siaton.
Kinilala ang mga naligtas na NPA na sina alias Sarah, at si alias Aubre, pawang miyembro ng nabuwag na Southeast Front, Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor (SEF) KR-NCBS).
Nauna rito, sumuko nitong Disyembre 17 sa Community Support Program (CSP) Team sa Brgy. Milagrosa, Sta Catalina, ang dalawa pang miyembro ng nabuwag na Southeast Front na sina Ka Delfin at Ka Bombo.
Kasabay nilang isinuko ang isang M-16, isang cal. 38 revolver, rifle grenade at mga bala.
Nanawagan naman si MGen. Sison sa mga nalalabi pang miyembro ng NPA sa lalawigan na sumunod sa yapak ng mga nagbalik-loob nilang kasamahan na aniya’y pinakamagandang pamaskong regalong maibibigay nila sa kanilang mga mahal sa buhay. | ulat ni Leo Sarne
📷: 3ID