Hindi bababa sa 15 mga electronic tricycle o e-trike ang binatak ng pinagsanib na puwersa ng Parañaque LGU at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw.
Kaalinsabay ito ng isinagawang anti-colorum operation sa pangunguna ng Task Force Parañaque sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Baclaran, Parañaque City.
Ayon kay Rodolfo Avila, pinuno ng Tricycle Regulatory Office ng Parañaque LGU, nakatatanggap kasi sila ng kaliwa’t kanang mga reklamo hinggil sa mga naitatalang paglabag ng mga e-trike sa lugar.
Bukod kasi sa walang rehistro ang mga e-trike para mamasada, wala ring lisensya ang mga nagmamaneho nito at ang iba pang driver ng e-trike ay mga menor de edad.
Giit ni Avila, lubhang mapanganib para sa mga pasahero ang pagsakay sa mga kolorum, bukod pa iyan sa mga reklamo na nagugulungan, mga sasakyang nasasagi, at iba pa.
Sa panig naman ni Aldy del Rosario, pinuno naman ng Task Force Parañaque sa Baclaran, matagal na silang nagsasagawa ng mga operasyon sa lugar.
Gayunman, kapag umaalis na ang mga nagsasagawa ng operasyon ay balik naman sa dating gawi ang mga pasaway na bumibiyahe sa lugar. | ulat ni Jaymark Dagala