Nakatakdang ilabas ng Metro Manila Council ang kanilang resolusyon na sumusuporta sa panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y para sa pagpasa ng ordinansa ng mga Lokal na Pamahalaan para sa pagbabawal sa mga paputok at pagkakasa naman ng community fireworks display sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, marami sa mga Lokalidad sa Metro Manila ang may umiiral nang ordinansa sa pagsasagawa ng community fireworks at pagbabawal sa mga paputok.
Giit pa niya, matagal nang may resolusyon ang MMC hinggil dito at ang kanilang ilalabas sa ngayon ay ang pagpapatibay lamang ng kanilang pangako na tiyaking ligtas at mapayapa ang mga nabanggit na pagdiriwang.
Pagmamalaki pa ni Zamora, sa kanilang lungsod sa San Juan ay may umiiral nang ordinansa para sa pagre-regulate ng mga paputok kaya’t ilang taon na ring mababa ang antas ng mga nabibiktima nito sa kanilang lugar. | ulat ni Jaymark Dagala